Sun. Apr 28th, 2024

Ako nga pala si Sandra, nakatira ako ngayon sa South Korea at kasalukuyan akong nagtatrabaho dito kasama ko ang aking anak. Nais ko lamang ibahagi sa inyo ang istorya ng buhay ko kung paano at bakit kami napadpad ng anak ko sa bansang ito. At anong mga hirap ang aking pinagdaanan sa piling ng mga taong nakasama naming mag-ina.
Maganda ang trabaho ko sa Pilipinas. Nagtatrabaho ako sa isang Korean Travel Agency na kung saan ako ang nag eentertain sa mga client when it comes to travel to the other destinations anywhere in Korea. At dahil din sa trabaho nakilala ko si Gerald isang Korean. Nagkalapit ang loob naming dalawa hanggang sa dumating ang time na nanligaw siya sa akin at naging kami. Isang businessman si Gerald ang kwento nya sa akin maganda ang takbo ng negosyo at company na pinapalakad niya sa Pilipinas ang pamilya niya daw sa Korea ay isang mayaman at may ari ng school doon. After 3 years of our relationship he married me. Nagkaroon kami ng isang anak si Jessie nasa 7years old na ang kanyang edad. Maayos ang pagsasama naming mag-asawa pag may naging problema kami hindi kami natutulog nang di namin ito pinag-uusapan. Ngunit dumating ang time na para naging cold siya sa akin na para bang may itinatago siya sa akin na nasa isip ko na niloloko niya ako dahil ang lakas ng pakiramdam ko.
Minsan dahil hindi ako mapakali sa trabaho ganun din sa bahay tinawagan ko ang aking asawa dahil hindi pa ito umuuwi ang sabi nya sa akin nasa work pa siya. Hindi ako naniwala kung kaya’t pinuntahan ko siya sa kanyang opisina at nakita ko siyang paalis kaya’t sinundan ko din ang kanyang sasakyan. Hindi nga ako nagkamali sa aking hinala sa aking asawa. Kitang kita ko na may babae ito. isinakay niya ito sa kanyang sasakyan. Galit na galit ako ng mga oras na yon. Nang huminto ang sasakyan nila, dali dali rin akong bumaba sa aking kotse at sinugod ko silang dalawa. Pinag sasabunutan ko at pinag sasampal ko ang kanyang kabit bago ko siya hinarap. Sa sobrang galit ko sa asawa ko sinabi kong maghiwalay na kami dahil sa sobrang sakit na ginawa nya  akin. Pero di siya pumayag ang sabi nya hihiwalayan daw niya ang kanyang kabit. Ang sabi ko naman sa kanya kung kami talaga ang gusto nyang makasama lumayo kami umuwi kami ng South Korea para malayo na siya sa kabit nya tutal naman maganda  ang buhay ng pamilya niya sa Korea. Ngunit ayaw niya pumayag dahil walang mamamahala ng aming negosyo sa Pilipinas. Kaya sabi niya sa akin kung talagang gusto namin manirahan dun mauna na kami pumunta doon mag-ina at susunod siya after niya masettle lahat ng problema sa Pilipinas. Naniwala naman kami ng anak nya sa kanyang sinabi kung kaya’t binili niya kami ng Ticket pauwi sa South Korea.
Pagdating namin sa Korea ng aking anak ang akala ko magandang buhay ang aming madadatnan. Pagbaba namin ng kotse sinalubong kami ng kapatid ni  Gerard at pinapasok kami sa isang simple at maliit na bahay. Di ko talaga inexpect na ganito ang madadatnan kong buhay ng aking mga byenan dito sa Korea, isang mahirap na pamumuhay at kapos sa lahat ng bagay. Na lahat pala ng sinabi sa akin ng aking asawa ay kasinungalingan na mayaman ang kanyang pamilya nun pala ay kabaligtaran. Pati ang kaunting perang baon naming mag-ina para sa allowance 
namin ay kinuha lahat ng aking byenan para magamit panggastos sa kanilang bahay. Galit na galit ako sa kanila lalo na sa asawa. Kinagabihan naawa ako sa anak ko dahil hindi siya makatulog sa sahig. Nasanay kasi siya sa malambot na kama. Paliwanag ko na lang sa anak ko na magtiis muna kasi hindi uso sa mga korean ang natutulog sa kutson at pag nagkapera kami ibibili ko siya kaagad ng higaan na malambot. Napaiyak na lang ako noong gabi na iyon. Hindi ko akalain 
na gagawin ng asawa ko iyon sa aming mag-ina, ang iwan kami sa ere.
Kinabukasan, pinuntahan ko kaagad ang aking byenan na babae humihingi ako ng pera  para panggastos namin ng anak ko nagalit siya sa akin at sinabi nya na wala siyang pera. Pinagpipilitan ko pa ring humingi hanggang sa nagalit ako at sinigawan ko siya. Pero natiis niya talaga akong di bigyan at sinabi pa niyang  kung gusto kong magkapera maghanap buhay ako. Wala akong nagawa. Napilitan akong maghanap buhay doon para mabuhay kami ng anak ko. Halos lahat ng trabaho ko dun sideline lang at on call. Namamasukan ako minsan sa mga grocery na malapit sa bahay namin at pumapasok din akong kasambahay pero hindi full time once na nakapaglinis na ako ng bahay ng client ko umuuwi na rin ako. Sobrang hirap ang dinanas kong buhay sa Korea pero para sa anak ko titiisin ko. 
Pagbalik ko ng bahay isang lalaki ang dinatnan ko at hinahanap ang asawa ko. Nabigla ako nang ituro ako ng byenan ko sa lalaki at sabihin na ako ang pagbayarin sa problemang iniwan ng asawa ko dito sa Korea. Nagalit ako at itinulak ko palabas ang lalaki at sinabing hwag na siyang babalik dahil hindi ko obligasyong bayaran ang utang niya. Hindi ko alam na may kaso palang Stafa ang asawa ko dito sa Korea dahil itinakbo niya ang pera ng mga taong nag-invest sa kanya. Kaya pala ayaw niyang umuwi ng Korea dahil sa problemang ginawa niya. Kung kaya’t kami ng anak nya ang pinadala niya dito para buhayin ko ang pamilya niya at intindihin ang lahat ng problemang iniwan niya.
Dahil sa problemang nalaman ko tinawagan ko ang aking asawa, at nabigla ako ng ang sumagot ay ang kanyang Mistress.. Ang kapal pa ng mukha nyang savihin sa akin na masarap daw ba ang buhay namin sa Korea, nasorpresa daw ba ako sa dinatnan naming buhay dito. Galit na galit ako kung kaya ko lang bumalik ng Pilipinas ipinagngudnguran ko na ang pagmumukha ng kanyang kabit. Hindi pa ito nakuntento at sinabi pa nito sa akin na tuluyan na kaming iniwan ng aking asawa kung kaya’t pumayag itong mauna kami sa Korea dahil wala siya talagang balak sundan kami dito. At nagsasama na raw silang dalawa at kasakukuyang siya ay nagdadalang tao. Hindi ako nakapagsalita ng mga oras na iyon. Nangangalaiti ang puso ko sa galit sa mga nalaman ko. Lalo na ang lahat pala ng iyon ay alam ng pamilya ng asawa ko at hindi sinasabi sa akin. Pinagmukha nila akong tanga. Pinagwalaan ko sila. Sinabihan ko silang mga sinungaling. At ipinangako ko sa kanila pagsisisihan nila ang ginawa nila sa aming mag-ina, at pagbabayaran nila ang lahat ng hirap at sakit na binigay nila sa akin. Iyak ako ng iyak sa pangyayari na iyon hanggang sa tumakbo ako palabas ng bahay at may nakilala akong isang Filipina si Vergie.
Si Vergie ay may regular na trabaho dito sa Korea bilang isang tutor sa korean at english language. Sa sobrang sama ng loob ko ng mga oras na iyon naikwento ko sa kanya lahat ng pinagdadaanan ko sa buhay. Nasabi ko sa kanya na gusto ko na lang bumalik ng Pinas, pero pinayuhan nya ako na HUWAG. Kung nagawa daw piliin ng asawa ko ang kanyang kabit hayaan ko daw ituloy ko lang daw ng buhay naming mag-ina. Andito na rin daw ako sa Korea, gamitin ko daw ang pagkakataon na ito para maghanap ng magandang trabaho para mabuhay kami ng maayos ng aking anak dahil malaki daw ang chance na makapagwork ako sa Korea dahil may asawa akong Korean. Pinakinggan ko ang payo ni Vergie. Simula noong gabi na iyon luminaw ang isipan. Naghanap ako ng trabaho hanggang sa may tumanggap sa akin na company bilang isang receptionist sa isang hotel.
Pagkalipas ng isang taon, naging maganda at maayos ang buhay namin mag-ina. Ngunit hanggang ngayon nasa pamilya pa rin kami ng aking asawa hanggang isang araw tumawag ang aking anak at sinabing dumating ang kanyang Papa. Hindi ako na excite. Kaya lang pala siya umuwi ng Korea ay para kausapin ako na pumayag sa ipafile na annullment papers. Hindi ako nagdalawang isip ang sabi ko sa kanya ” ok fine, i will give what you want but not an annullment. We will divorce here in korea but on two condition”. Yes, binigyan ko siya ng condition bago ako pumayag sa divorce na gusto niya. Una, sa akin ang anak ko. At pangalawa, pagbabayad ng pamilya niya sa akin sa lahat ng mga ginastos ko sa kanila dahil binuhay ko ang pamilya nya. Oo lam kong mali ang magsumbat at maningil pero nung panahon na iyon ito ang dapat gawin bilang kabayaran sa lahat ng hirap at pasakit na idinulot nila sa akin.
Matapos nila ako mabayaran saka ko lamang pinirmahan ang divorce papers namin ni Gerard. At simula din nun, nagsimula kami ng anak ko ng panibagong buhay, lumipat kami ng bahay at nagtrabaho ng maiigi at nag-ipon. Kasalukuyang nag-aaral na din ang aking anak dito sa Korea. Dahil sa mga dagok sa buhay na naranasan ko dito sa Korea, lumaban, nagtiis at bumangon ako para sa kapakanan namin ng aking anak.
Dahil sa pagsisipag ko dito sa Korea, umasenso ang aking buhay. Nakapundar na ako ng sariling bahay namin ng aking anak at higit sa lahat isa na rin akong entrepreneur. At dahil sa swerte din dumating sa buhay ko isa na rin akong volunteer tutor para sa korean – english language kasama ang aking kaibigan na si Vergie. Nag cocounsil din ako sa mga taong nakaranas din ng gaya sa sitwasyon ko.
Sa mga kapwa OFW ko, advice ko lamang po na kahit anong dagok sa buhay ang maranasan natin laban lang tayo at bangon dahil dadating din ang panahon na sisikat din ang araw para sa bagong kinabukasan.