Sat. May 18th, 2024
Akala ko noon na kapag mabait ang isang tao ay kaya mo ng ibigay ang tiwala sa kanya ngunit siya rin pala ang magiging ahas sa iyong buhay. Ako nga pala si Tim, tulad mo at tulad ng nakararami ay isa rin akong OFW na nangarap magkaroon ng isang magandang buhay.
Baguhan palang ako sa kumpanyang aking pinapasukan ng magkaroon ako ng isang matalik na kaibigan. Noong una ay siya ang laging gumagabay at nagtuturo sa mga dapat kung gawin sa trabaho. At pinapangaralan din niya ako kung ano ang mabuti at masama. Naging magaan ang loob ko sa kanya at isang araw ay hiniraman niya ako ng pera dahil kailangan lang daw niya dahil maysakit ang kanyang tatay. Agad ko naman pinahiram ang aking kaibigan.
Dumaan ang ilang Linggo ay nanghiram ulit siya ng pera sa akin dahil daw naospital ang kanyang ama, eh ako na mahabagin ay pinahiram ko agad ng pera ng walang pag-aalinlangan dahil nga turing ko sa kanya ay isang matalik na kaibigan.
Dumaan pa mga araw at buwan ay hindi ako binayaran kesyo maraming mga dahilan. Pero hindi ko na iyon pinansin dahil marahil ay kailangan niya talaga ng pera dahil naospital ang kanyang ama.
Isang araw ay may isa akong ka-trabaho na nanghihiram sa akin ng pera. Naikwento ko sa kanya na napahiram ko ang malaking halaga kay Mario na aking matalik na kaibigan na katrabaho rin namin. Laking gulat ng aking katrabaho ng malaman niya napahiram ko si Mario ng ganung kalaking halaga. Hindi maiwasan tuloy na masabi sa akin ang mga totoong kabulastugan na ginagawa ng tinuturing kung matalik na kaibigan. Ayon sa aking katrabaho, marami daw utang si Mario at halos lahat ng katrabaho namin ay inutangan nito at ang iba ay taon na ang binilang ngunit hindi pa ito nagbabayad.
Isang araw lumapit sa akin ang isang banyagang katrabho namin na kilalang sanlaan o utangan. Tinanong niya sa akin kung nag-utos daw ba ako kay Mario na mangutang sa kanya ng napakalaking halaga. Mariing itinanggi ko ito dahil ni minsan ay hindi ako nagpautang kay Mario ng ganung kalaking halaga. Nanghina ako at parang nawalan ng lakas ng marinig ko na pinike pala ni Mario ang aking mga pirma at naalala ko na hiniraman niya ako ng dokumento upang gamitin sa paparating daw niyang package, iyon pala ay kumuha siya ng kopya at iyon ang ginamit na dokumento para mangutang gamit ang aking pangalan.
Sa pagtatanong ko sa banyagang nagpapautang ay ipinakita sa akin ang maraming listahan na si Mario ang kumuha ng pera ngunit sa pangalan ng ibang tao. Iba-ibang malalaking halaga ang sumambulat sa akin.
Nang malaman ko ang kagaguhan na ginawa ni Mario ay agad ko itong kinumpronta, ang tanging nasambit lang niya at patawad. Hindi nagtaggal ay nalaman ito ng mga kapwa ko trabahante na ginamit ang kanilang mga pangalan upang makakuha ng malaking halaga.
Sa hiya ni Mario ay hindi na ito nagpakita pa sa kumpanya at balita namin ay umuwi na ito ng Pilipinas ng hindi man lang nagpaalam at nabayaran ang mga malalaking utang niya.