Sat. May 18th, 2024
Ako nga pala si Mildred, 25 taong gulang mula sa lalawigan ng Bulacan.  Isa akong OFW sa Singapore.  Bilang isang OFW nais kong ibahagi sa inyo ang aking kwento sa kung paano ako dumating sa buhay na ito.
Try and try hanggang sa magtagumpay ka, ito ang lagi kong sinabi kapag palagi akong narereject sa ginagawa ko sa buhay lalo na sa pag-apply ng trabaho.  Hindi ako katulad ng iba na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral at kumukuha ng isang maganda na kurso kung kaya’t mabilis silang matanggap sa kumpanya na kanilang ina-applyan. Isa lamang akong High School Graduate, dahil sa kahirapan na nararanasan namin, hindi ako kayang pag-aralin ng aking magulang sa kolehiyo.  Kaya’t sinubukan kong makipagsapalaran sa Maynila upang mag-apply para sa isang trabaho sa ibang bansa upang matulungan ang aking pamilya, ngunit palagi akong malas at walang tumatanggap sa akin.  Gayunpaman, hindi ako sumuko kaya’t nagpatuloy ako sa pag-aapply ng trabaho.
Dahil hindi ako sumusuko sa buhay, isang araw nag-apply ulit ako sa Maynila nakita ko ang isang ahensya na nangangailangan ng isang Domestic Helper sa Singapore kaya’t nag-tanong ako sa loob at pinapasok ako ng guwardya at binigyan ako ng staff doon ng isang application form.  Sinulatan ko ang application form at ipinasa ko ito sa staff.  Dumating sa puntong tinawag ang aking pangalan para sa interview. Tinanong lamang ako ng interviewer kung bakit gusto kong magtrabaho sa ibang bansa at kung bakit nais kong mag-apply para sa isang DH.  Ang sagot ko sa kanila ay simple at sinabi ko: “para sa aking pamilya iyon ang dahilan kung bakit nais kong pumunta sa ibang bansa upang mabigyan sila ng isang mas maganda na buhay”.  At sinabi ko rin sa kanila na “hindi masama ang pagiging DH dahil isang marangal na trabaho ito na hindi dapat ikahiya lalo na kung wala kang tinatapakan na iba”. Samantala, narinig ng Panginoon ang aking hiling at sa wakas ay natanggap ako.  Masayang-masaya ako sa mga oras na iyon at sinabi ko kaagad ito sa aking mga magulang.
Dumating ang araw ng aking pag-alis, kasama ang aking pamilya inihatid nila ako sa airport.  Ang aking kaligayahan ay biglang napalitan ng kalungkutan lalo na kapag nakikita ko ang aking mga magulang habang ako ay papalayo sa kanila.  Umiyak ako at niyakap ko sila ng mahigpit dahil hindi ko sila mahahawakan ng matagal na panahon. Napakasakit kapag iniwan mo ang iyong mga mahal sa buhay.  Ngunit sinabi ko sa aking sarili na ginagawa ko ito dahil sa kanila, upang mabigyan sila ng magandang buhay.  Lahat ng paghihirap na pagdurusa ko ay para sa kanila.
Dumating ang aming eroplano sa paliparan sa Singapore.  May tauhan ng ahensya na naghihintay sa amin upang sunduin at dinala kami sa opisina.  Pagdating namin sa opisina nakilala ko ang aking magiging employer at dinala nila ako sa kanilang bahay kung saan ako magtatrabaho.  Ang kanilang bahay ay medyo malaki, maluwang at maganda.  Akala ko nung una hindi mabuti ang employer ko pero nung nakakausap ko sila nagkamali ako dahil napakabait nila.  Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng isang mabuting employer.  Walang pakialam sa mga ginagawa ko ang aking employer basta ginagampanan ko nang maayos ang aking trabaho.  Binigyan din nila ako ng isang araw na pahinga tuwing Linggo.
Bilang isang OFW napakahirap ng aking trabaho sapagkat iyo lahat ng trabaho at gawaing bahay: luto, laba, linis, plantsa,yaya at marami pang iba ngunit ginagawa ko ito alang-alang sa aking pamilya at dahil sa kabaitan ng aking mga amo sa akin paglilingkuran ko sila nang maayos dahil ayokong mabigo sila sa akin.  Ayoko rin na mawala ang tiwala na ibinibigay nila sa akin bilang isang kasambahay. Masayang-masaya ako kapag natatanggap ko ang aking suweldo dahil maipapadala ko na ito sa aking pamilya sa Pilipinas.  Tinawagan ko din sila para kumustahin sila.  Kapag malapit na akong mag-day off pupunta ako sa mga magagandang lugar sa Singapore at doon marami na akong nakikilala na mga Pinay at nakakabili ako ng ilang mga bagay na maari kong ipadala sa Pilipinas para sa aking pamilya.
Hanggang ngayon, nagpapatuloy ako sa paglilingkod sa aking employer.  Tuwang-tuwa ako at pinagpala sa ngayon dahil naibigay ko sa aking pamilya ang magandang buhay na tinatamasa nila ngayon.  Nakatayo na ang aming bahay at binigyan ko ang aking mga magulang ng isang maliit na sari-sari store at syempre, patuloy akong tumutulong sa kanila.
Kaya’t nagpapasalamat ako sa Diyos na hindi ako pinabayaan at tinulungan akong makamit ang aking pangarap na nais ko para sa aking pamilya.  Kahit na hindi ko natapos ang kolehiyo ay masuwerte pa rin ako sa mga biyayang tinatamasa ko ngayon dahil lamang sa pagiging DH at kailanman ay hindi ko ikinahiya ang aking trabaho dahil binigyan ako nito ng magandang buhay.
Para sa iba, maaari ko lang kayong payuhan na huwag sumuko sa mga bagay na nais mong makamit.  Hindi mo ito makukuha kaagad ngunit darating ang araw na ibibigay sa iyo basta tiwala ka lang sa sarili mo at sa Diyos.