Mon. Apr 29th, 2024
“Mahirap kalimutan ang taong unang nagpatibok ng iyong puso na nakasama mo na ngunit sa huli ay ipagpapalit ka rin pala.”
Tawagin niyo nalang ako sa pangalang Ken, tubong Nueva Vizcaya, isa po akong OFW dito sa Bahrain at meron isang anak. Taong 2011 ng mapadpad ako sa Middle East upang magtrabaho sa isang construction company. Naging maayos ang aking trabaho dito bilang Foreman ng kumpanya.
Tatlong buwan ang nakalipas ay nangailangan ang aking amo ng isang clerk sa aming opisina, kaya naisip ko ang aking asawang irekomenda sa aking amo. Kaagad ko namang kinausap ang aking asawa dahil alam ko na gustong-gusto niya makapagtrabaho sa ibang bansa at ang kagandahan pa dito ay magkasama kami sa isang kumpanya at kahit papaano ay mapapawi rin ang lungkot kahit malayo sa pamilya.
Taong 2011 rin ay sumunod ang aking asawa sa Bahrain. Naging maayos naman ang pagtanggap ng aking amo sa aming mag-asawa. Pagdating sa trabaho ay wala kaming naging problema. napapadalhan namin ng sustento ang aming anak na nasa pangangalaga ng aking byenan.
High School pa lamang kami ng magkakilala kami ng aking asawa, siya ang unang nagpatibok ng aking puso at ganun rin siya. Ako ang unang boyfriend sa buhay niya. Parehas kami ng probinsya ngunit magkaiba ng bayan. Naging girlfriend ko siya simula ng High School hanggang College, kumbaga marami na kaming mga pagsubok sa buhay na nalagpasan. Matapos ang aming pag-aaral sa kolehiyo ay kapwa kami nagtrabaho sa Laguna. Ngunit magkaiba ang aming pinapasukang kumpanya kaya naman dumadalaw-dalaw nalang ako sa boarding house ng kasintahan ko kapag wala akong pasok.
Holiday noon at dinala ko ang aking kasintahan sa aking inuupahang apartment. At naroon ang mga ka-trabaho ko na nakatira naman sa kabilang kwarto na aking tinutuluyan, noong araw na iyon ay nagkayayaan kaming mag-inuman hanggan malasing ako. Ang aking GF ay hindi naman nainom isa pa ay may pasok siya kinabukasan kaya hindi pwede itong tumagay. At dahil lasing ako noong gabing iyon ay meron nangyari sa amin ng aking GF. Although meron laging meron nangyayari sa amin ay ginagawa namin ang safe withdrawal dahil hindi pa kami handa para maging mga magulang.
Lumipas ang dalawang buwan, hindi pa dinadatnan si Karen. Kaya bumili kami ng PT at doon namin nakumpirma na buntis nga ito.”Marahil ay napuruhan ko ito noong malasing ako.” Wala na kaming magawa sa mga panahong iyon kundi tanggapin ng lubos ang biyaya na ipinagkaloob sa amin. Agad naman kami namanhikan sa kanilang pamilya at malugod naman kami tinanggap ng kanyang mga magulang.
Lumipas ang ilang buwan ay taong 2010 ay ipinanganak ang aming panganay. Naging abala ang aking asawa sa aming anak kaya naman ay mag-isa nalang akong kumakayod para sa aming pamilya. Samahan mo pa na may pinapaaral kang kapatid sa kolehiyo. Kaya naging mabigat ang naging buhay naming mag-asawa. Kaya taong 2011 ay nakuha kung mangibang bansa para matustusan ang mga pangangailangan ng aking pamilya.
Sa aming trabaho sa Bahrain ay marami rin kaming mga kasamang kapwa OFW na nakatira sa binigay na bahay ng aming kumpanya. Hiwalay ang tirahan ng mga babae at ganun rin sa mga lalaki. Naging madalas ang aming away ng aking asawa noon, kung anu-ano mga bagay gaya ng madalas niyang selos ang nagiging sanhi ng aming tampuhan. At siyempre dahil ako ang lalaki ay madalas ako ang sumusuyo.
Makalipas ang ilang taon ay natapos na ang kontrata ng aking asawa at ako naman bilang foreman ay binigyan ng panibagong kontrata ng aking amo. Habang sa Pilipinas ay inuumpisahan na ang aming pinapatayong bahay. Nasa kalahati na rin ang pinapatayo naming bahay at siyempre ay nakapangutang na rin ako dahil sa kagustuhan namin na matapos agad ang aming bahay.
Hindi nagtagal ay nakabalik muli ang aking asawa sa Bahrain, at naiwan muli ang aming anak sa pangangalaga ng aking biyenan. Namasukan ulit ang aking asawa bilang clerk sa isang construction firm sa bansa. Doon ay medyo may kalayuan ang aming tinitirhan kaya madalang lang kami magkita. Minsan naman ay pinpuntahan ko lang ito sa kanyang apartment para mabisita. Kasama naman niya sa apartment ay mga pinay kaya naman naging madali ulit sa kanya ang pag-adjust.
Naging ganun ang naging set-up namin mag-asawa, madalas ako ang pumupunta sa kanya. Ngunit hindi pa rin namin naiiwasan ang aming away bati lalo na sa sustento na ibibigay namin sa aming anak. Halos buong sahod ko ay binibigay  sa kanya kaya naman halos hindi ko na rin maabutan ng pera ang mga magulang ko.
Umabot ang punto sa aming away-bating sistema ay hindi na ako kinakausap ng aking asawa. Bagama’t ay hindi niya ako nilalabas ng kanyang apartment ay matiyaga ako magdamag na nag-aabang sa labas ng kanyang apartment kahit na may trabaho pa ako kinabukasan. Masakit para sa akin ang ganung sistema na ayaw na ako kausapin. Naroon ang time na ipinagluluto ko siya ng kanyang paboritong ulam at matiyagang nag-aantay sa labas ng kanyang apartment. Ngunit madalas nauuwi sa wala ang aking paghihintay.
Hanggang gabi ay hindi ko na tinext ang aking asawa at susurpresahin ko nalang ito sa kanyang aparment para naman mapilitan itong kausapin ako. Subalit pagdating sa kanilang apartment ay ako pala ang masusurpresa dahil kitang-kita ko sa dalawang mata ko na inaalalayan ng isang lalaki ang aking asawa papasok ng kotse. Nanlumo ako sa aking nakita at tinawag ko pa ang asawa ko at lumingon ito sa akin pero agad namang humarurot ang sasakyan kaya naiwan akong luhaan. Hindi ko maiwasang humaguhol sa iyak dahil ang nag-iisa kong minahal sa buhay at nakuhang sumama sa iba.
Agad ako nakita ng kasama niya sa apartment at nakita niya sa dalawang mata ang pag-iwan sa akin ni Karen. Naikwento ni Rhea sa akin na matagal na daw ginagawa ng asawa ko ang mga bagay na iyon. At hindi daw niya masabi sa akin dahil ayaw niyang mangialam sa aming buhay. Ayon sa kanya madalas daw itong lumabas ng pinsan ng kanilang amo.
Noong mga oras na iyon ay halos gumuho ang aking mundo. Tuluyan ng lumayo ang unang babaeng minahal ko. Hindi ko makuhang isuplong sa awtoridad ang aking asawa dahil mahal ko siya. At dahil mahal na mahal ko siya ay ibinigay ko na sa kanya ang kalayaang hinahangad niya.
Sa ngayon ay patuloy pa rin akong nagtratrabaho sa ibang bansa at naka-destino ngayon sa Dubai. Pagdating naman sa suporta ng aming anak ay buwanan ko pa rin itong sinusustentuhan. Makalipas ang ilang taon ay nakuha ko na kalimutan ng tuluyan ang aking asawa. Muli akong sumugal at umibig sa isang babae na alam kung mamahalin ako ng sobra. Sa aking asawa naman ang huling balita ko ay nasa Bahrain pa rin ito at nagtatrabaho.
Hanggang dito nalang at nawa’y nagustuhan ng karamihan ang  kwento ng aking buhay.