Sun. Apr 28th, 2024
Bilang isang OFW naiisip ko minsan kung anu ba ang magiging buhay ko sa trabaho na aking napili, kung anung hirap ang kailangan kong suungin, danasin at isakripisyo kapag ako ay nakipagsapalaran sa ibang bansa. Ang iba ang akala nila kapag nasa ibang bansa ka marami kang pera, maganda at masarap ang buhay. Hindi nila alam na sa pagkakaroon mo ng pera sa ibang bansa hirap at pagod ng kapalit bago mo ito mahawakan.
Ako si Jelyn isang OFW. Iniwan ko ang aking sariling bansa upang matustusan at mabigyan ko ng magandang buhay ang aking pamilya. Iniwan ko ang mga mahal ko sa buhay para mag-trabaho at makipagsapalaran sa ibang bansa. Narating ko ang bansang Hongkong at isang Domestic Helper ang aking naging trabaho dito. Pinili kong makipagsapalaran sa bansang ito na hindi ko alam kung ano ang pwedeng mangyari sa akin. Tinitiis ko ang lahat ng hirap para makaipon at nang may maipadala ako na pera sa aking pamilya. Sa paggising ko araw-araw hindi mawaglit sa isipan ko ang aking mga mahal sa buhay: ang aking mga magulang, ang pinakamamahal kong asawa at  lalo na ang aking tatlong anak na kasalukuyan iniwan ko habang sila ay nag-aaral. Naiisip ko tuloy minsan na sa halip na silang pamilya ko ang aking alagaan heto ako at ginagampanan ko sa ibang tao ang dapat na sa kanila ko ginagawa. Tinuturuan kong mag-aral, bumasa at magsulat ang anak ng aking amo na dapat ginagawa ko sa sarili kong mga anak.
Dito sa Hongkong ang pinakamahirap na kalaban ko ay ang Homesick, upang makapagpatuloy ako sa aking trabaho pilit ko itong nilalabanan. Ang pagiging OFW ay hindi madali. Ang mawalay sa pamilya ko lalo na sa aking mga anak ay napakahirap sa dibdib lalo na kapag naiisip ko na lumalaki sila na wala ako sa kanilang mga tabi at hindi ako kasama. Sa panahong kailangan nila ng isang ina pero hindi nila ako matawag dahil ako ay nasa ibang parte ng mundo.
Pero sa kabila nito, kapag naiisip ko ang hirap ng buhay na dinaranas namin sa aming lugar mas pipiliin ko na ang magsakripisyo para sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay kaysa pare-parehas kaming magutom at tuluyang maghirap.
Ang pagsasakrisyo na ginagawa ko ay hindi ko alintana kung ang kapalit naman nito ay magandang buhay para sa aking pamilya lalo na sa aking mga anak dahil maibibigay ko ang lahat ng kanilang pangangailangan kahit na ako ay naghihirap. Sabi nga nila di bale na ikaw ang magtiis basta makita mo lang masaya ang mga mahal mo sa buhay.
Marami na akong naririnig na mga kwento sa tulad kong OFW. Marami talaga sa kanilang nakikipagsapalaran na hindi alam kung ano ang kanilang kahihinatnan. Ang iba kumukuha pa ng tourist visa para subukan makapagtrabaho sa ibang bansa. Kung matatanggap ka suwerte ka ngunit kung mamalasin no choice ka lalo na kung ma-expired na ang visa mo. Wala ka pwedeng gawin kung hindi umuwi or mag-exit sa ibang bansa.
Ang sarili ko masasabi ko na masuwerte dahil napunta ako sa mababait na amo. Parehas na may trabaho kung kaya’t gabi na sila nakakauwi ng bahay. Isa lang ang kanilang anak at sobrang bait pa nito at marunong makinig sa mga sinasabi ko. Ang turing nila sa akin ay hindi iba. Hindi nila ako tinitingnan bilang isang kasambahay kundi isang pamilya kaya malaki ang aking tuwa dahil sa kanila ako napunta. Hindi rin kaila sa mga amo ko kung anung buhay ang mayroon ako sa Pilipinas. Dahil sa kabaitan nila sa akin, kabutihan at kasipagan ko naman ang ibinibigay ko sa kanila.
Sa ngayon, nasa maayos na ang buhay ng aking pamilya. Napagtapos ko na ang aking panganay at kasalukuyang nagtatrabaho na ito sa isang company sa aming lugar. Ang pangalawa ko naman ay nasa high school na at graduating na rin ito sa isang taon. At ang aking bunso ay patuloy pa rin nag-aaral sa elementarya. Ang aking mga magulang at asawa ko ay tuwang sa pag-aasikaso sa itinayo naming maliit na grocery store.
Ang lahat ng nakamit kong ito ay bunga ng pagiging OFW ko sa Hongkong na kailanman ay hindi ko pinagsisisihan na piliin at magsakripisyo para sa kasayahan na maibibigay ko sa mga mahal ko sa buhay.