Sun. Apr 28th, 2024

Kailangan pa ba nating madapa ng paulit-ulit bago tayo matuto sa ating buhay? Kailangan pa bang may masaktan para magising lang sa katotohanan.
Marahil ito ang naging paraan ng panginoon upang maituwid ko  sa tama ang aking buhay. Tawagin niyo nalang po akong Gerry tubong Negros Occidental, isang OFW po ako sa Taiwan. Nasa edad 20 palang ako noon ng mabuntis ko ang aking asawa sa murang edad at kinailangan ko ng lumuwas ng Manila upang matustusan ang pangangailangan ng aking mag-ina. At dahil nakapag-aral naman ako sa kolehiyo madali lamang akong nakapasok ng trabaho. Kaya naman nadala ko ang aking mag-ina sa Manila at nangupahan kami ng apartment. Subalit sa ilang taon naming paninirahan sa Manila ay wala kaming maipong pera. Kaya hindi naglaon ay nagpasya akong magtrabaho sa abroad at sa kabutihang palad ay napadpad naman ako sa isang magandang kumpanya sa Taiwan.
Makalipas ang isang taon ay pinasunod ko ang asawa ko sa Taiwan, malaki na rin naman ang anak namin kaya  pwede ng iwanan kay inay. Ang nanay ko ang naging taga bantay ng aming anak habang kami ay nagtratrabaho sa abroad ngunit kahit nasa isang bansa kami ang aking asawa ay na destino sa malayo kaya sa isang buwan ay isang beses lang kaming magkita.
Ganun ang naging sinaryo naming mag-asawa, lumipas ang isang taon ay hindi alam ng aking asawa na meron na akong nililigawan sa aking pinapasukang kumpanya. Dalaga ito at tanggap naman niya ang aking pagkatao subalit ang aking pakilala ay hiwalay na kami ng aking asawa kaya napaniwala ko naman ito. Lumipas pa ang ilang buwan ay nagpasya kami ni Shiela na mangupahan. At sa pagkakataong iyon ay nahuli ako ng aking asawa ng minsan nagkita kami ng tingnan niya ang aking cellphone, tumambad sa kanya ang mga nakatagong litrato namin ni Shiela. Galit na galit si Jenny noon at pinagsasampal ako. Sa mga panahong iyon ay nakuha kong talikuran ang  aking asawa. Iniwan ko siya sa hotel mag-isa at bumalik ako sa tinutuluyan namin ni Sheila.
Pagkauwi ko ng bahay ay binuksan ko ang cellphone ko na maraming text na mura mula sa asawa ko at binalewala ko ang lahat ng mga iyon at nakuha ko pang i-block sa facebook ang aking asawa. Kaya naman ilang buwan rin akong natahimik. Walang kaalam-alam si Sheila sa nangyari sa amin at itinago ko lang ang lahat.
Lumipas ang ilang buwan ay wala na akong natatanggap na mensahe mula sa aking asawang si Jenny, at isa rin balita na hindi ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot. Dahil ini-abot ni Sheila sa akin ang isang bagay na kung saan lalong nagpagulo ng aking buhay ng mga sandaling iyon. Magdadalawang buwan na palang buntis si Sheila kaya ganun nalang ang aking pagkabahala sa sarili. Naisip ko ang mga pagkakamaling nagawa ko sa buhay at heto na naman mas nadagdagan pa.
Mag-aanim na buwan na noon ang tiyan ni Sheila ng magdesisyon kaming umuwi muna siya sa Pilipinas at doon manganak. Sa madaling salita ay naiwan ako mag-isa sa Taiwan magkaganun man ay meron pa rin kaming komunikasyon ni Sheila kahit nasa Pilipinas na ito. Dumating ang araw na isinilang na niya ang aming munting prinsesa. Naroon ang aking saya ng makita ko sa video call ang aking prinsesa ngunit napalitan ito ng lungkot ng maisip kung hindi ko manlang mahawakan ang aming anak.
Lumipas ang ilang buwan ay nagkalabuan na kami ni Sheila halos hindi ko na siya makausap at nabalitaan ko nalang sa kanyang inay na nakipagbalikan ito sa kanyang naiwang boyfriend bago pa man mag-abroad. Ganun nalang ang aking lungkot at galit na nararamdaman kay Sheila. Tila ito ang ganti ng panginoon sa akin, nararamdaman ko na ang sakit na naramdaman ng aking asawa ng iwan ko ito mag-isa.
Sa aking pag-iisa sa buhay ay na-realize ko ang aking mga pagkakamali kaya naman naisipan kong tawagan ang aking asawa sa unang pagkakataon. May ngiti sa labi niya ng makita ko ito sa video call at wala ng galit sa puso niya at tila ba tanggap na niya ang nangyari sa amin. Sa pagkakataong iyon ay may kung anong naramdaman akong awa sa sarili ko at hindi ko naramdaman na bumabalong na pala ang luha sa aking mga mata. Noong mga oras na iyon ay humingi ako ng tawad sa aking asawa at nagsumamong tanggapin niya muli ako sa kanyang buhay at magsimula muli kami.
Madali naman akong napatawad ng aking asawa. Ayon sa kanya lagi niyang ipinagdarasal sa panginoon na dumating ang pagkakataong iyon na bumalik ako sa kanya at magsimula muli kami ng bagong buhay.
Sa ngayon ay naging maayos muli ang aming buhay mag-asawa at pinatunayan ko sa kanya na magiging tapat na ako sa kanya. Sa amin naman anak ni Sheila ay buwanan ko itong pinapadalhan ng sustento at tanging nanay lang niya ang aking nakakausap. Ok na rin ang ganitong sitwasyon.
Sana kapulutan ng aral lalo na sa mga kapwa ko OFW ang kwento ng aking buhay.